San Andres Avelino

Wednesday, November 14, 2018

"Ang bibig na nagsisinungaling ay nakamamatay ng kaluluwa."

Ang mga katagang ito ng Banal na Kasulatan ang siyang nagpabago ng buhay ni Lanceloto at naging dahilan upang pagsisihan ang isang maliit na pagsisinungaling na binigkas sa kanyang pagka-manananggol. 

Si Lanceloto ay isinilang sa Castronuovo, malapit sa Naples, noong 1521. 

Sapul pa sa kanyang pagkabata’y nahilig na siya sa pangangaral at pag-akit sa mga kaibigan sa landas ng kabanalan. 

Naging masigasig siyang tagapagtaguyod ng mga simulain at alituntunin ng Iglesya Katolika noong naging kapelyan ng mga madre, bagay na naging sanhi upang siya’y saktan at pagtangkaang patayin. 

Pinatawad niya ang mga lumapastangan sa kanya; ang lahat ay tiniis alang-alang kay Cristo.

Noong 1556, sumapi siya sa Orden ng mga Paring Teatino na tatag ni San Cayetano. Malaki ang itinulong niya sa pag-unlad ng disiplina eklesiyastika. 

Naging kapanahunan niya sina San Felipe Neri at San Carlos Borromeo. 

Naglingkod siya sa mga maysakit nang magkapeste sa Milan noong taong 1576. 

Nang maging paring Teatino, kanyang tinanggap ang pangalang ANDRES, pangalan ng apostol na namatay sa krus bilang tanda ng kanyang marubdob na hangaring magtiis alang-alang kay Cristong ipinako sa krus. 

Noong 1608, habang pinasisimulan ang Santa Misa, inatake siya ng dati niyang sakit, at binawian ng buhay matapos mapahiran ng Santo Oleo, noong Nobyembre 10, 1608. Siya’y pintakasi laban sa biglang kamatayan at apoplehiya.

ARAL: Kung saan nakahilig ang punungkahoy ay doon din mabubuwal. Ang nagugumon sa kasalanan ay malamang na doon din mamamatay. Hindi masama ang biglang kamatayan; ang masama’y ang bigla at hindi handang kamatayan. Dumalangin tayo kay San Andres Avelino upang magkamit ng isang handang kamatayan.

Add new comment

1 + 1 =

Please wait while the page is loading