"Laudato si'" ni Papa Francisco

Larawan ni Pope Francis kuha ni Joe Torres
Monday, August 06, 2018

1. "LAUDATO SI', aking Panginoon" - "Purihin ka, aking Panginoon". Sa mga salita ng magandang awit na ito, ipinaalala sa atin ni San Francisco ng Assisi na ang tahanan nating lahat ay tulad ng kapatid na babae kung saan ibinabahagi natin ang ating buhay at ng butihing ina na bukas ang bisig na yakapin tayo. "Purihin ka, aking Panginoon, sa pamamagitan ng ating kapatid, ang Inang Kalikasan, na nagpapanatili at namamahala sa atin, at nagbibigay ng sari-saring prutas na may makukulay na bulaklak at yerba". [1]

2. Ang kapatid na ito'y nananaghoy sa atin dahil sa kapinsalaang ipinataw natin sa kanya dahil sa ating iresponsableng paggamit at pag-abuso sa mga biyayang ipinagkaloob ng Diyos sa kanya. Dumating tayo sa puntong tiningnan natin ang ating sarili bilang kanyang panginoon at amo, na may karapatang saiya'y kusang dambungin. Ang karahasang naririto sa ating mga puso, na isinugat ng pagkakasala, ay sumasalamin din sa sintomas ng sakit na mapapatunayan din sa lupa, sa tubig, sa hangin, at sa lahat ng anyo ng buhay. Ito ang dahilan kung bakit ang mismong daigdig, nabibigatan at naaaksaya, ay isa sa mga pinakapinababayaan at pinagmamalupitan ng ating karukhaan; siya'y "dumaraing sa paghihirap" (Rom 8:22). Nakalimutan nating tayo mismo'y mga alabok ng lupa (sg. Gen 2:7); ang ating mismong katawan ay yari sa kanyang mga elemento, inihihinga natin ang kanyang hangin ang tinatanggap natin ang buhay at paamtid-gutom sa kanyangkatubigan.

Wala sa daigdig na ito ang hindi mahalaga sa atin.

3. Mahigit limampung taon na ang nakararaan, nang nangangamba ang mundong nasa bingit ng krisis-nukleyar, si Papa Santo John XXIII ay nagsulat ng Ensikliko na hindi lang itinakwil ang digmaan kundi nagbigay ng mungkahi para sa kapayapaan. Ipinahayag niya ang kanyang mensaheng Pacem in Terris sa buong "mundo ng Katoliko" at tunay nga "sa lahat ng lalaki at babaeng may mabuting kalooban". Ngayon, nahaharap tayo sa pandaigdigang pagkasira ng kapaligiran. Nais kong magpahayag sa bawat taong naninirahan sa planetang ito. Sa aking Apostolikong Eksortasyon na evangelii Gaudium, isinulat ko para sa lahat ng kasapi ng Simbahan na may layuning humimik ng patuloy na misyonaryong pagpapanibago. Sa Ensiklikong ito, nais kong pumasok sa pakikipag-usap sa lahat ng tao hinggil sa tahanan nating lahat.

4. Noong 1971, walong taon makaraan ang Pacem in Terris, tinukoy ng Banal na Papa Paulo VI ang malasakit sa ekolohiya bilang "kalunos-lunos na bunga" di-nasusubaybayan aktibidad ng tao: "Dahil sa masamang-turing na pagsasamantala sa kalikasan, nanganganib na mawasak ito ng sangkatauhan at maging biktima naman ng ganitong marawal na kalagayan". [2] Nagsalita rin siya ng mga katulad na termino sa Food and Agriculture Organization ng United Nations hinggil sa potensyal ng "malaking kapahamakang ekolohikal sa ilalim ng epektibong pagsambulat ng industriyal na sililisasyon", at ipinagdiinan "ang agarang pangangailangan para sa radikal na pagbabago sa pag-uugali ng sangkatauhan", yayamang "ang pinaka-ekstraordinaryong pag-abante ng agham, ang pinaka-kagulat-gulat na teknikal na abilidad, ang pinaka-kagila-gilalas na paglago ng ekonomya, maliban na lamang kung kasama ang awtentikong panlipunan at moral na pagsulong, ay tiyak nababaligtad laban sa tao". [3]

5. Naging mapag-alala hinggil sa sa isyung ito si Santo Juan Paolo II. Sa kanyang unang Ensikliko, nagbabala siya na ang sangkatauhan ay tila baga "walang nakikitang ibang kahulugan sa kanilang likas na kapaligiran kundi yaong nagsisilbi lang sa agarang pangangailangan at paggamit. [4] Pagkatapos, mananawagan siya para sa isang pandaigdigang ekolohikal na pagbabagong-loob. [5] Kasabay nito, pinuna niyang ang isinagawa'y munting pagsisikap lamang upang "pangalagaan ang kalagayang moral para sa tunay na ekolohiya ng tao". [6] Napakalala na ng pagkawasak ng kapaligiran ng tao, hindi lang dahil ipinagkatiwala ng Diyos ang daigdig sa ating mga lalaki at babae, kundi dahil ang mismong buhay ng tao ay isang regalo na dapat ipagsanggalang sa lahat ng uri ng pagpapawalang-halaga. Ang bawat pagsisikap na protektahan at pagyamanin ang ating daigdig ay nangangailangan ng masidhing pagbabago sa "mga estilo ng pamumuhay, mga modelo ng produksyon at pagkonsumo, at ang establisadong istruktura ng kapangyarihan na sa kasalukuyan ay nakapangyayari sa mga lipunan". [7] Ang totoong pagsulong ng tao ay may katangiang moral. Ipinagpapalagay nito ang lubusang paggalang sa tao, ngunit dapat na alalahanin din nito ang kinapapaligirang mundo at "isaalang-alang ang kalikasan ng bawat nilalang at ang ugnayan ng isa't isa sa isang maayos na sistema". [8] Kaya, ang kakayahan nating mga tao na baguhin ang reyalidad ay dapat tumungo kahanay ng orihinal na handog ng Diyos sa lahat na. [9]ITUTULOY

Add new comment

10 + 1 =

Please wait while the page is loading