Santo Papa, tinanggap ang pag-retiro ni Cardinal Quevedo

Larawan kuha ni Mark Saludes para sa UCA News
Wednesday, November 07, 2018

Tinanggap na ni Pope Francis ang pag-retiro ni Cardinal Orlando Quevedo bilang arsobispo ng Cotabato, ayon sa pahayag ng Vatican noong Nobyembre 6.

Subalit nangako ang arsobispo ng patuloy na pagsuporta sa mga programa ng Arkidiyosesis na ngayon ay nasa pamumuno na ni Archbishop-elect Angelito Lampon.

Sa panayam ng Radio Veritas, sinabi ni Cardinal Quevedo na ipagpapatuloy niya ang pagsusulong ng pangmatagalang kapayapaan sa Mindanao.

"I’m preaching my continuing support for the peace process between the government and Bangsamoro in Cotabato, and continue my work in inter-religious dialogue," sabi ng cardinal.

Paliwanag ni Cardinal Quevedo na mananatili siyang cardinal ng Cotabato maging sa ibang mga lugar at nakahandang tumulong sa nangangailangan ng tulong, tulad ng pagbibigay ng mga seminar.

"I remain as cardinal, and if called upon and if my time is available I will surely say yes in any request for assistance," aniya.

"I will be available as cardinal but no longer as Archbishop of Cotabato," dagdag ng arsobispo.

Taong 2014 nang isinumite ng arsobispo ang kaniyang resignation letter sa Vatican matapos maabot ang canonical retirement age na 75-taong gulang.

Ngunit sa halip na tanggapin ng Santo Papa, itinalaga si Quevedo na cardinal kaya napalawig ang kanyang paging arsobispo ng Cotabato.

Si Cardinal Quevedo ang ikawalong cardinal sa Pilipinas, at ang kauna-unahang cardinal  sa Mindanao.

Sa 20 taong paninilbihan, napanatili ni Cardinal Quevedo ang katatagan ng mga mananampalataya sa pamamagitan ng pagsusulong ng kapayapaan sa pagitan ng mga Kristiyano at Muslim.

Ikinatuwa naman ng cardinal ang pagkakatalaga kay Bishop Angelito Lampon ng Jolo bilang kahaliling arsobispo dahil bukod sa tubong Cotabato si Lampon, kilala rin itong nagsusulong at nagtataguyod ng kapayapaan sa mga komunidad lalo na sa Mindanao.

"I believe that the Holy Father has made a very good choice in selecting Archbishop-elect Angelito Lampon to be the new leader of the archdiocese," ani Cardinal Quevedo.

Taong 2011 hanggang 2017 nang pamunuan ni Bishop Lampon ang Commission on Inter-religious Dialogue ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines.

Nakatakda ang pormal na pagtatalaga kay Bishop Lampon bilang arsobispo ng Cotabato sa ika-31 ng Enero 2019 pagkatapos ng CBCP Plenary Assembly.

Ulat mula sa Veritas 846

Add new comment

2 + 14 =

Please wait while the page is loading