Pagbubuklod ng Simbahan laban sa online sex pinuri

Thursday, November 15, 2018

Pinuri ng Philippine National Police ang pagsasama-sama at pagkakaisa ng iba’t-ibang simbahan upang labanan ang Online Sexual Exploitation of Children o OSEC.

Ayon kay Police Senior Superintendent Villamor Tuliao, acting chief ng Anti-Trafficking in Persons Division, isang malaking hakbang sa pagsugpo sa OSEC ang pagsasama-sama ng iba’t ibang sektor ng lipunan, partikular na ang pamahalaan at ang Simbahan.

Aniya, kahanga-hanga ang ginawa ng mga Simbahan na isinantabi ang kanilang mga pagkakaiba upang magkaisa sa pangangalaga sa mga bata at kabataang inaabuso.

"Isang napakagandang adhikain, especially yung pagbuklod-buklod ng iba’t-ibang sekta ng Simbahan laban sa Online Sexual Exploitation of Children," pahayag ni Tuliao sa Radyo Veritas.

Naniniwala ang PNP na hindi kayang sugpuin ng pamahalaan ang iba’t ibang krimen sa lipunan tulad ng OSEC, subalit sa tulong ng mamamayan at ng Simbahan ay tiyak na mapagtatagumpayan ito.

Sa pagsisiyasat ng Philippine Interfaith Movement Against Human Trafficking 50-porsiyento ng mga nagiging biktima ng OSEC ay may edad 12 pababa.

Nito lamang ika-8 ng Nobyembre, nagdaos ng Freedom Forum ang grupong PIMAHT upang palawakin ang kaalaman ng mamamayan at Simbahan kaugnay sa human trafficking at partikular na tinalakay sa pagtitipon ang OSEC.

Ulat mula sa Veritas 846

Add new comment

2 + 1 =

Please wait while the page is loading