Obispo, kinundena ang pag-uwi ni Sister Fox

Emosyonal ang pagpapaalam ni Sister Patricia Fox sa kanyang mga kaibigan nang siya ay ihatid sa Manila International Airport noong Nobyembre 3. (Larawan kuha ni Jire Carreon para sa UCA News)
Monday, November 05, 2018

Kinundena ni Manila Auxiliary Bishop Broderick Pabillo ang pagpapaalis kay Sister Patricia Fox nitong nakaraang linggo.

"Bahagi na po ito ng bias against the Church at bias din laban sa mga taong perceived na kumokontra sa patakaran ng administrasyon," pahayag ng obispo sa Radio Veritas.

Sinabi ni Bishop Pabillo na ang pag-alis ng madre ay hindi dahil sa hinaharap na "deportation case" kundi dahil hindi na-extend ang kanyang visa.

Mensahe ni Bishop Pabillo kay Sister Fox na tatagan ang loob at ipagpatuloy ang paglilingkod sa Panginoon sa pamamagitan ng pagkalinga sa kapwa.

"Palakasin niya loob niya. Hindi ito ang katapusan ng kwento. Alam naman natin na ang Diyos ay patuloy na kumikilos sa atin, kaya may mga surprise pa siyang gagawin. Just keep on and be courageous," dagdag ng obispo.

Hinimok ni Bishop Pabillo ang mga mananampalataya na makiisa sa pagpapatatag ng kalooban sa 71-taong gulang na madre na nagmisyon sa Pilipinas ng halos tatlong dekada.

Ika-16 ng Abril ng imbitahan si Sister Fox sa tanggapan ng Bureau of Immigration kasunod ng mga ulat na lumahok siya sa mga pagkilos laban sa pamahalaan.

Sa kabila nito ay nanindigan ang misyonerong madre na ang kaniyang pagtulong sa mga maliliit na sektor ng lipunan ay bahagi ng kaniyang misyon at paglilingkod sa Sambayanan ng Panginoon.
 

Add new comment

2 + 17 =

Please wait while the page is loading