Hatol laban kay Imelda Marcos, katarungan para sa mamamayan

Monday, November 12, 2018

Katarungan para sa mamamayan ang naging hatol ng korte laban kay Imelda Marcos, ito ang sinabi ni Manila Auxiliary Bishop Broderick Pabillo.

Ayon kay Bishop Pabillo, nagkaroon na ng resulta ang paghahanap ng katarungan ng mamamayan sa pamilya Marcos.

"Magandang balita yan na na-convict siya, pero medyo nakakalungkot dahil ang tagal gumulong ng katarungan, pero at least mayroong resulta," ayon sa obispo.

Umaasa si Bishop Pabillo na tuluyang panagutan ni Marcos ang mga kasong isinampa laban sa kanya dahil sa haba ng panahon ng paghahanap ng katarungan ng mga Filipino, lalo na ang mga biktima ng pang-aabuso noong panahon ng martial law.

Sa inilabas na desisyon ng Sandiganbayan nitong ika-9 ng Nobyembre, hinatulang "guilty" si Marcos ng pito kaso ng pandarambong habang nanilbihan ito sa pamahalaan mula 1968 hanggang 1986.

Sa hatol ng korte makukulong ng anim na taon, isang buwan at labing-isang araw si Marcos sa bawat kasong isinampa laban sa kanya. Wala na rin siyang karapatan na humawak ng kahit anong posisyon sa pamahalaan.

Binigyang diin ni Bishop Pabillo, chairman ng Episcopal Commission on the Laity ng CBCP, na sana magsilbing aral ito sa lahat ng mga umaabusong opisyal sa kapangyarihan.

Ulat mula sa Veritas 846

Add new comment

9 + 3 =

Please wait while the page is loading